BALAGTASAN

Introduction

Ang Balagtasan at ang Kaligiran nito.     

Ang balagtasan ay isang debate o labanan ng katwiran sa paraang patula. Karaniwang tinatampukan ito ng tatlong makata: dalawang mambabalagtas na nagtatalo sa isang paksa at isang lakandiwa na nagpapadaloy ng palitan ng katwiran.

Isinilang ang balagtasan sa isang pulong ng Kapulungang Balagtas noong 28 Marso 1924. Iminungkahi ni Lope K. Santos ang pagdaraos ng makabagong duplo bílang pag-aalaala sa kaarawan ni Balagtas. Subalit pinansing di-angkop sa pagdiriwang ang duplo kaya bumuo sila ng bagong anyo na tinawag nilang “balagtasan.”

Itinanghal ang kauna-unahang balagtasan sa Instituto de Mujeres noong 6 Abril 1924. Naglaban dito sina Jose Corazon de Jesus bilang Paruparo, at Florentino T. Collantes bilang Bubuyog. Si Lope K. Santos naman ang naging Lakandiwa. May iba pang mga makata na naglaban sa naturang balagtasan ngunit sina de Jesus at Collantes ang naging paborito ng madla.

Karaniwan, mga simpleng paksa ang pinagtatalunan sa balagtasan: ginto o bakal, babae o lalaki, mataba o payat, baso at tabo, sabong o kabaret, palayok o kawali. Ngunit nang lumaon, naging madalas pagtalunan ang mga makabuluhang panlipunang isyu tulad ng welgista at eskirol, manggagawa at makina, wikang Ingles o wikang Espanyol.

Pagkatapos ng unang balagtasan, marami pa ang sumunod. Naging napakapopular ng anyong ito kung kaya’t halos lahat ng mga kilalang makata noon ay lumahok sa pagtatanghal nito. Nagkaroon din ng mga balagtasan kahit sa wikang Espanyol at Ingles.

Gayundin naman sa iba’t ibang wikang katutubo. May crissotan ang mga Kapampangan na isinunod sa pangalan ni Juan Crisostomo Soto na kilala bílang “Crissot.” Tinawag naman itong bukanegan ng mga Ilokano sunod sa pangalan ni Pedro Bukaneg. Noon pang 1926 ay mayroon na ring naitalang mga pagtatanghal ng balagtasan sa Kabisayaan.

Noong 1937 naman, itinaguyod ng Kompanyang Elizalde ang balagtasan sa radyo. Maraming tinatawag na hari ng balagtasan kasunod nina de Jesus at Collantes. Ngunit si Emilio Mar. Antonio ang kinikilalang huling pambansang hari ng balagtasan. Patuloy ang pagtatanghal ng balagtasan hanggang ngayon lalo tuwing Buwan ng Wika.

Para sa iba pang pang impormasyon tungkol sa balagtasan panuorin ang "video clips" na ito: 

 

Task

Mga Kasanayan sa Pagkatuto

Sa pagkatapos ng araling ito ang mga mag-aaral ay inaasahang:

  • naipaliliwanag ang papel na ginagampanan ng bawat kalahok sa napanood na balagtasan,

  • naipapakita ang kasanayan sa pagsulat ng isang tiyak na uri ng paglalahad na may pagsang-ayon at pagsalungat, at

  • naibibigay ang opinyon at katuwiran tungkol sa paksa ng balagtasan. 
Process

Pagpapaunlad

       Ang balagtasan ay uri ng pagtatalo ng dalawang magkaibang panig ukol sa isang paksa. Hinango mula sa pangalan ni Francisco Balagtas, inilalahad ang sining na ito ang isang uri ng panitikan na kung saan ipinapahayag ang mga saloobin o pangangatwiran sa pamamagitan ng pananalitang may mga tugma sa huli.

Ginawa nila ang unang balagtasan na may tatlong hanay ng mga makata na ipinapahayag ng isang naka-iskrip na pagtatang

Binatay nila ang anyo sa mas naunang mga uri ng pagtatalo na gumagamit din ng elemento ng tula katulad ng karagatan, huwego de prenda at duplo.Kadalasan itong binubuo ng tatlong magtatanghal na may dalawang magtatalo na magkasalungat ang pananaw at isang tagapamagitan na tinatawag na lakandiwa (lalaki) o lakambini (babae). Mayroon din mga hurado na siyang maghuhusga kung sino ang mananalo.

Panuroin ang isang halimbawa ng balagtasan sa video clip na ito na patungkol sa ano ang mas nangingibabaw ang sipag o ang talino?: 

 

Upang mas maunawaan pa ang balagtasan narito ang ibat-iba nitong mga elemento. 

Mga Elemento ng Balagtasan

May apat na mayor na elemento: Tauhan, Paksa, Mensahe, at Pinagkaugalian.

  1. Tauhan
    1. Lakandiwa Lakambini – ang tagapamagitan ng paksa na ipaglalaban ng dalawang mambabalagtas sa pamamagitan ng tulaan
    2. Mambabalagtas – ang mga kalahok sa karaniwang sinusulat ng pyesa balagtasan. Sila rin ang mga taong nakikipagbalagtasan.
    3. Manonood – ang mga tagapakinig sa pagtatangal ng balagtasan. Nasusukat ang kahusayan ng mambabalagtas sa reaksyon ng mga manonood.
  2. Pinagkaugalian
    1. Sukat – ang bilang ng pantig sa bawat taludtod
    2. Tugma – ang pagkapareho ng tunog ng dulo ng mga taludtod sa panulaan
      1. Tugmang Ganap
      2. Tugmang Di-ganap
    3. Indayog – ang tono kung paano binibigkas ang mga taludturan.
  3. Paksa – ang bagay na pinag-uusapan, tinatalakay, o dinedebatehan para ganaping maipaliwanag at mauunawaan ang konteksto nito.
    1. Politika – ang tunggalian ng mga lapian sa kapangyarihan at mga tagapangasiwa ng pamahalaan
    2. Pag-ibig – ang pinakamakapangyarihang at dakilang damdaming nag-uugnay sa mga tao.
    3. Karaniwang Bagay – mga bagay sa paligid
    4. Kalikasan – ang mga bagay na nasa daigdig.
    5. Lipunan – ang pangkat ng mga taong naninirahan sa isang partikular na lugar
    6. Kagandahang-asal – ang mga ugaling kayganda-ganda. 
  4. Mensahe – ang ideya at damdaming nais iparating ng kabuuan ng ano mang sasabihin, teksto o akda.

Upang lubos pang maunawaan ang mga elemento ng balagtasan narito ang isang "video clip" na maari mong mapanuod: 

 

Evaluation

Matapos maunawaan ang kahulugan at elemento ng balagtasan narito ang isang gawain. 

Gawain 1. Panuto: Sumulat ng isang balagtasan na tungkol sa inyong opinyon sa napanahong kalagayan ng ating bansa. 

Pamantayan sa Pasulat ng Balagtasan
Naisasaalang-alang ang mga elemento ng balagtasan. 25 puntos
Naglalaman ng mga matatalinghagang salita na pumapatungkol sa napiling paksa. 15 puntos
Natutukoy ang mga katangian ng mga tauhan sa balagtasan. 10 puntos
Kabuuan 50 puntos
Conclusion

Balagtasan:

Ang balagtasanay uri ng tulang patnigan na may pagtatalo. Naging popular ang balagtasan noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano. Ang balagtasan ay ayon sa isang masining na uri ng pagtatalo tulad ng batutian, karagatan, at duplo. Ang balagtasan ay hango sa pangalan ng bayaning si Francisco Baltazar bilang alaala ng kanyang kaarawan. Sa pamamagitan ng balagtasan, nasasalamin ang kulturang Pilipino. Ang mga paksang tinatalakay sa bawat pagtatanghal ng balagtasan ay kinakikitaan ng damdamin ng isang tunay na Pilipino lalo pa kung ang mga ito ay may kinalaman sa kanilang pinagmulan, salin – lahi, paniniwala, relihiyon, at uri ng pamumuhay.

Inaasahan sa panitikang ito na patalinuhan ng pagpapahayag ng mga patulang argumento ngunit maaari din itong magbigay libangan sa pamamagitan ng katatawanan, anghang ng pang-aasar, pambihirang talas ng isip, at mala-teatrikong at dramatikong pagpapahayag.

Credits
Teacher Page

Ang WebQuest na ito ay binuo ni Calvin Alvarez Magtibay, isang mag-aaral sa kursong pangsekundaryang edukasyon na nasa ikaapat na taon sa paaralan na College of Sciences, Technology and Communications, Inc.