Pabula-Korea

Introduction

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG PABULA SA KOREA

Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan. Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnais maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin (diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kaniyang itsura at kinausap muli si Hwanin. Nagpasalamat siya sa diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kaniyang anak na si Hwanung (anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.

 Ano ang Pabula?

 Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ika-5 at ika-6 na siglo bago si Kristo, may itinuring nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang paksa ng mga pabula ay tungkol sa buhay ng itinuturing na dakilang tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa. Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable. Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o paguugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang tuso. Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw. Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan, at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapuwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.

 

Task

Sa pagtatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang makasusulat ng isang pabulang batay sa sumusunod na pamantayan:

a. orihinalidad

b. nilalaman

c. gramatika

d. masining na pagkakabuo

 

Process

Ang Korea tulad ng ilang bansa sa Asya ay ilang beses ding sinakop ng mga dayuhan. Nakikita sa kanilang pamumuhay ang impluwensya ng China at Japan , ang ilan sa mga bansang sumakop sa kanila. Sa likod nito ay mahigpit pa rin nilang napapanatili ang pagpapahalaga sa kanilang kultura, tradisyon, kasaysayan, edukasyon at pamilya.

Ang araling ito ay naglalaman ng pabula na pinamagatang "Ang Hatol ng Kuneho"na mula sa Korea at isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat. Halina't panuorin at unawain natin ang pabulang ito. 

 

Matapos malaman ang pabula na pinamagatang "Ang Hatol ng Kuneho" narito ang ilang katanungan na nararapat sagutin.

1.Tama ba ang naging hatol ng kuneho sa suliranin ng tigre at ng lalaki? Bakit?

2. Kung ikaw ang lalaki sa pabulang ito, tutulungan mo rin ba ang tigre? Oo o Hindi? Ipaliwanag.sa

3. Kung ikaw ang hahatol sa sitwasyon, gagawin mo rin ba ang naging hatol ng kuneho?

4. Mahihinuha mo ba sa pabulang ito ang mga kaugalian at paniniwala ng mga taga- Korea?

5. Sa iyong palagay bakit mahalaga ang pabula?

 

Pagsasanib ng Gramatika

Alam mo ba na...

Ang modal ay tinatawag na malapandiwa?Ginagamit ang mga ito na pantulong sa pandiwang nasa panaganong pawatas. Ang mga ito ay ginagamit bilang panuring na may kahulugang tulad ng pandiwa. Ang mga modal ay mga pandiwang hindi nagbabago, limitado kapag binanghay, o walang aspekto.

Mga Halimbawa: ibig, nais, gusto, kailangan

Gamit ng modal:

1. Bilang malapandiwa

  • Gusto niyang makaahon sa hukay.
  • Ibig ng puno at ng baka na kainin ng tigre ang tao.

(Ang gusto at ibig ay ginamit bilang malapandiwa subalit di tulad ng ganap na pandiwa wala itong aspekto.)

2. Bilang panuring na may kahulugang tulad ng pandiwa 

  • Gusto niyang maglakbay muli.

(Ang salitang gusto ay nagbibigay turing sa salitang maglakbay na isang pandiwang nasa anyong pawatas.)

  • Ibig ng kuneho na makita ang hukay kung saan nahulog ang tigre.

(Ang salitang ibig ay modal na nagbibigay turing sa salitang makita na isang pawatas.)

Narito ang mga uri:

1. Nagsasaad ng pagnanasa, paghahangad, at pagkagusto 

Mga Halimbawa;

Gusto kong mamitas ng bayabas.

Ibig kong matupad mo ang iyong pangarap sa buhay.

2. Sapilitang pagpepatupad 

Halimbawa:;

Dapat sundin ang sampung utos ng Panginoon.

3. Hinihinging mangyari

Halimbawa:

Kailangan mong magpursigi sa iyong pag-aaral.

4. Nagsasaad ng posibilidad

Halimbawa;

Maaari ka bang makausap mamaya?

Puwede kang umasenso sa buhay.

Conclusion

"Ang Pabula ay isang mahalagang parte ng ating panitikan. Ito ay isang kwento kung saan ang mga hayop ang gumaganap bilang  tauhan. Ito ay may mga mahahalagang mensahe na ipinapahiwatig. Isa sa  rason kung bakit mahalaga ang mga kwentong ito ay dahil pinapakita nito ang kultura ng Pilipinas. Bukod rito, ang mga kwento ay nagbibigay ng aral na pwede nating gamitin pang habang buhay."(Ki, 2020)

 

Credits

Ki. (2020). Bakit mahalaga ang Pabula? Retrieved from https://philnews.ph/2020/08/06/bakit-mahalaga-ang-pabula-kahalagahan-ng-pag-aaral-ng-pabula/

Max & Marco tv. (2020). Ano ang Pabula / Elemento ng Pabula. Retrieved from https://www.youtube.com/watch?v=oAOdZuGeNFM

Peralta, R. N. et al. (2017). Panitikang Asyano modyul ng mag-aaral sa Filipino. Pasig City

Teking Titser. 2020). Ang Hatol ng Kuneho. Retrieved from https://www.youtube.com/watch?v=MMMeArONsT8&t=407s

Teacher Page

Ang Webquest na ito ay ginawa ni Ericka A. Magmanlac, BSED 4- Filipino bilang pangangailangan sa asignaturang Technology for Teaching and Learning Filipino.